Miyerkules, Marso 28, 2012

Sa Kaibuturan ng Sentro

Maaari kong marating ang kabilang dulo ng overpass na iyon nang hindi umaapak sa sahig. Ang kailangan ko lang gawin ay isuko ang aking katawang-lupa sa mga tao sa aking paligid at makialon sa kanilang sanib-pwersang lakas nang maipilit ang pare-parehong pag-usad namin. 

Sapat lamang sa nipis o kapal ng katawan ng tao ang espasyong para sa kanya. Sardinas kami at ang overpass ang lata. Lagpas kalahating oras naming tinahak ang tulay na tinawid lamang namin nang wala pang limang minuto nung nakaraang araw. Nasa dalawang metro ang lapad nito sa aking tantya pero pinakipot ito nang sampung beses ng daan-daang tao kinabukasan.

Hindi ito MRT.
Hindi ko dinayo ang Baguio para sa isang simulation ng rush hour sa MRT. Matagal kong hinangad na makarating sa Baguio pero Maynila rin pala ang tatambad sa akin.

Malamang-lamang na katulad ko at ng walo ko pang kasamahan, dinayo rin nitong sangkatauhan ang Panagbenga Festival. Habang trapik sa overpass papuntang Burnham Park, may alok namang aliwan ang kalsada: isang parada ng musiko at mga karosang gawa sa makukulay at naggagandahang bulaklak. Pakunswelo na sa aming panlilimahid ang masilayan itong sinadya namin subalit hindi kami hahayaan ng mga ulong nagsala-salabit. Una sa lahat, ginawa kasing viewing deck ng mga manunuod ang overpass kaya nagsikip. Kapag nga nasasagi ng mga naggigitgitang tumatawid, bubulyaw pa sila na huwag daw manulak at maniksik. Konting pasensya, konting tiyaga, nakaraos din kami.

Maynilang-Maynila. Maynila sa dami ng tao. Maynila sa trapik. Maynila na rin sa init. Isa itong Maynila kung saan ang kasalubong mo sa kalsada ay may karapatang magbalabal, mag-boots, mag-bonnet at magpangginaw dahil kahit pa hindi naman kalamigan, Baguio iyon at doon, lehitimo ang ganoong kasuotan. Isa itong Maynila na tadtad ng daanang palusong, paahon at pakurbada. Isa itong Maynila kung saan nakabukas ang bintana ng mga taxi at hindi aircon ang SM. Isa itong Maynila na di kasing alinsangan sapagkat sinosorpresa ng dagling malamig na simoy sa kabila ng polusyon at tirik na araw.




Tuwing Pebrero hanggang unang linggo ng Marso ginaganap ang Panagbenga Festival mula pa noong 1995. Nangangahulugang “panahon ng pamumukadkad,” unang ginanap ang Panagbenga bilang pagtatangi sa flower industry ng Baguio City at bilang pagbangon din mula sa mapanirang lindol na tumama sa lungsod noong 1990. Taon-taon mula noon, idinaraos ang Panagbenga upang ipamalas ang kultura ng Cordillera sa pamamagitan ng mga eksihibisyon, product expo, parada at iba pa.

Pinakatampok sa selebrasyon ang street dancing at float parade sa huling Sabado’t Linggo ng Pebrero. Kabilang ang aming grupo sa tinatayang higit kalahating milyong bisitang umakyat sa Baguio para matunghayan ito. Higit doble ito ng populasyon ng Baguio na umaabot lamang sa 300,000. Kung may mga “little Baguio” sa kapatagan, ang norte naman ay may “little Manila.” Isa sa 33 highly urbanized cities ng bansa, ang Baguio ang sentro ng negosyo, komersyo at edukasyon sa Cordillera at Hilagang Luzon.

“Isang milyon daw ang aakyat dito, triple namin ‘yun. Buti sana kung kakayanin ng Baguio,” himutok ng mamang drayber ng nasakyan naming taxi. Nabanggit niya ito nang pansinin namin ang sikip ng trapiko at dami ng tao. Layunin ng Panagbenga ang ipakilala sa bagong henerasyon ang katutubong kultura ng Cordillera at syempre, ang isulong ang turismo.

Katulad ng sinabi ng mamang drayber, isang milyong turista nga ang puntiryang mapadayo ng pamahalaang lungsod sa limang linggong selebrasyon ng Panagbenga. Siksikang kalsada, agawan sa taxi, punuang jeepney, pila sa kainan, hanay sa terminal, ubusan ng matutuluyan―mukhang matagumpay nga ang pamahalaang lokal sa pag-engganyo ng bisita.


Tumpok ng tao sa may Session Road.
Isang abalang Baguio ang aking dinatnan. Masaya, makulay, maingay—ang moda ng lungsod ay pistang-pista. Pero hinahanap-hanap ko ang Baguio na aking ipinunta: marikit, payak, at payapa. Iyon ang Baguio na inilarawan ng mga aklat ko noong elementarya, ‘yon bang may kabanatang “Magagandang Tanawin sa Pilipinas.” Ito rin ang Baguio na ibinida sa akin ng aking kapatid: lugar daw na tahimik at tamang-tama sa kanilang high school retreat. Sumagi rin naman sa aking isip na may dahilan kung bakit “city” ang Baguio City, subalit hindi ko inasahang Maynila rin ito pero di kasing alinsangan at di rin kataasan ang gusali. 

Daan papunta sa tinuluyan naming bahay
sa Scout Barrio.
Isang taxi mula sa sentro, unti-unti kong nasilayan ang aking Baguio: maaliwalas, tahimik, maamo. Ihinatid kami ng nagtataasang puno ng pino sa isang paupahang kwarto sa Scout Barrio. Sa tagiliran ng Camp John Hay naroroon ang tahanan ng mga Dingle. Kasabay naming tumuloy sa kanilang bahay ang dalawa pang pamilyang mula pa sa Iloilo at Bulacan. 

Madaling makapaglagayan ng loob ang Scout Barrio. Sa Maynila, maipaparis ito sa isang pribadong bahayan pero simple nga lamang ang mga tahanan. Tabing kalsada pero katamtaman lamang ang dumadaang sasakyan kaya tahimik. Nasa mataas na bahagi ng barangay ang aming tinuluyan kaya sa pagbaba, natutunghayan ang kalakhan ng komunidad at maging ang kabundukan sa kabilang ibayo. Kapansin-pansin din ang katahimakan ng makakapitbahayan na nagdaragdag pa sa kapayakan ng lugar at natatangi nitong salat. Ibang-iba ito sa ingay sa bahaging urban na aligagang-aligaga at di magkamayaw sa hindi alam, kaparis ng iba pang sentro ng lungsod saan man. Kung tutuusin, wala namang pasyalan sa Scout Barrio, pero ang makupkop rito ay karanasang walang kaparis: Baguiong-Baguio.

Nakamamangha ang mga bulaklak sa Panagbenga subalit ang Baguio na payapa ay may kaibuturang hiwaga. Babalik ako rito minsan, sa isang ordinaryong araw, at kikilalanin ko ang isang Baguio na simple, mahinahon, at pambihira. #

Ang Orchid na Rainbow

Maaaring mahirap tandaan ang kanilang mga pangalan subalit di madaling malimutan ang kanilang kagandahan. Nagkakaisang mambighani ang kanilang sari-saring hugis at kulay. Ang mga orkidya ay bahagharing nakalatag sa mga salansanan.

Isa ang Golden Bloom Orchids sa mga pangunahing orchid grower sa bansa. Matatagpuan sa Barangay Maginao, San Rafael, Bulacan, may dalawang oras lamang ang layo ng limang ektaryang orchid farm na ito mula sa Maynila. Itinayo noong Abril 1998, nagsimula lamang ang Golden Bloom sa 3,000 seedling ng dendrobium orchid sa isang 500 metro kwadradong shade house. Ngayon, may 800,000 halaman ng higit sa 50 uri ng orchid ang inaalagaan dito. Mula sa tatlong tauhan, may 60 empleyado na ngayon ang nagpapanatili ng orchid farm. 



Mga bulaklak sa Golden Bloom
Dahil sa dami ng orchid variety na alok nito sa murang halaga, dinarayo ang Golden Bloom Orchids ng mga mamimiling mula pa sa malalayong lugar tulad ng La Union, Pangasinan, Tuguegarao, Bacolod, General Santos at Zamboanga. Halimbawa, ang kanilang pinakamurang klase ng orchid na nagkakahalagang P60 hanggang P80 kada paso ay itinitingi sa Maynila at iba pang lugar nang P150 pataas. Bukod sa mga retailer, sinasadya rin ng mga landscaper at orchid lover ang Golden Bloom. 

Buwan-buwan, di bababa sa 30,000 orchid seedlings ang inaangkat ng Golden Bloom mula Bangkok, Thailand. Bukod sa dendrobium, nag-aangkat din sila ng cattleya, velthius, mokara, strap leaf, oncidium at epidendrum.

Dito sa nursery inaalagaan ang mga seedling.
“`Yung galing Thailand, punla lang `yun. Pagdating dito, tinatanim namin sa coconut husk, nilalagay sa paso at inaalagaan sa nursery. Nilalagyan ng pataba, gamot at dinidiligan. Paglipas ng seven to eight months, namumulaklak na at pwede nang ibenta,” paliwanag ni Ate Lydia, isa sa mga kawani ng Golden Bloom.

Saulo ni Ate Lydia ang mga pangalan at itsura ng lahat ng halaman sa farm. “Napporn ‘yan. Ito naman ay Trilips. Ang tawag naman dito, Popeye,” magiliw niyang pagpakilala sa akin ng iba’t ibang klase ng orchid na lulan ng dalawang flower cart. Ani Ate Lydia, ibabyahe pa-Visayas sa hapong iyon ang may 300 paso ng orchid sa mga karwahe.

Sinamahan ako ni Ate Lydia na libutin ang orchid farm. Sa display area, nangungusap at nangungumusta ang daan-libong bulaklak ng orkidya. Ayon kay Ate Lydia, nagdadala sila rito ng mga halamang sampol upang pagpilian ng mga mamimili. Iniaayos ang mga halaman ayon muna sa klase, pagkatapos, ayon sa kulay.

Iris Red
“Ito ang dendrobium orchids. Ang bentahan namin dito sa isang paso, P170, P180, P190, kumporme sa laki ng puno at variety,” monstra ni Ate Lydia sa mga dilaw na orkidya na may batik na pula. “`Yang violet, Arirang. Ang mga purong green na bulaklak, nandoon banda. Ang tawag diyan Burana Green. Ang mga ito, Iris Red.”

Di na naubos-ubos ang mga pangalang nililitanya ni Ate Lydia sa aming pag-iikot sa orchid farm. Bawat klase, may sari-saring uri. Bawat uri, may iba-ibang klase. Ang kabihasaan ni Ate Lydia sa pagkilala sa mga orkidya ay tinasa ng kanyang apat na taong pagtatrabaho sa Golden Bloom. Aniya, oras ang puhunan upang matandaan nang masinsinan ang lahat ng mga halaman.

Ang Orchidaceae o orchid family ay isa sa dalawang pinakamalaking pamilya ng namumulaklak na halaman. Binubuo ng 22,000 hanggang 26,000 species, nakakategorya ang mga ito sa 880 genus kabilang ang Dendrobium, Cattleya, Vanda, Epidendrum at Oncidium na alok ng Golden Bloom. Matatagpuan sa tropikong Asya ang konsentrasyon ng mga species ng orchid. Sa 1000 species ng orchid sa Pilipinas, 700 ang endemic o dito lamang sa bansa matatagpuan.


Noong 2010, hinikayat ng Department of Science and Technology—Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development (DOST-PCARRD) ang mga OFW na sumabak sa orchid business. Ayon sa kanilang pag-aaral, madali ang balik ng pera sa naturang negosyo kung saan sapat nang magsimula sa 100 metro kwadradong lupa na may mainam na bentilasyon, malakas na suplay ng tubig at masaganang nasisinagan ng araw.

Dagdag pa nito, patuloy pang tumataas ang demand para sa orchid na mabenta lalo na kapag Pebrero sa araw ng mga puso, Mayo sa mga pyesta at Santa Cruzan, Hunyo sa mga kasalan, Nobyembre sa undas at Disyembre sa araw ng Pasko. Pangkaraniwang ginagawang corsage at bouquet o inilalagay sa paso ang mga bulaklak. Sa Golden Bloom, ani Ate Lydia, ang isang dosenang tangkay ng cut flowers ay pumapatak sa P120 hanggang P150 depende sa lago at klase. 

Cattleya
Pinansin din ng pag-aaral na likas na mahilig sa namumulaklak na halaman ang mga Pilipino. Halimbawa ng mga pangkaraniwang palamuti sa harding Pinoy ay butterfly orchids, dendrobium na kamag-anak ng sanggumay, at vanda na kalahi naman ng waling-waling.

“`Pag season na talaga ng tag-ulan, ulan-araw, noon sila talaga namumulaklak. Ayan, bulaklak ng vanda. Namumulaklak din kaso madalang kapag ganitong mainit,” ani Ate Lydia. Ilan pang uri ng bulaklak ang ipinakilala niya sa akin. Habang nalulunod ako sa mga pangalang di ko maisaulo, sa mga orkidiya naman ay nalululong ako. Pula, kahel, dilaw, luntian, asul, indigo. Ang Golden Bloom ay paraiso. #

Luntiang Diliman


Pagkatapos ng mahabang araw sa trabaho o eskwela, saan ka kaya maaaring pumunta? Ayon sa pag-aaral, nakababawas ng stress ang mga espasyong luntian. May alok sa 'yo ang UP Diliman.

Usiyoso sa Binondo

Nagkakadkad ang isang mama ng mahabang rolyo ng paputok sa bangketang katapat ng pinapasukan niyang tindahan. Sa bandang gilid, nakaantabay ang isang “leon” na ginagampanan ng dalawang kayumangging binatilyong may edad 14. Maya-maya, isang putok ang naghudyat ng pagbira sa tambol, pagkalampag ng pompyang, at pagtanghal ng lion dance.

Ratatatatatatat—

At humataw nga ang dalawang bata sa sampung metrong huramentadong Sinturon ni Hudas.

Nang matapos ang ratatat, lumapit ang leon sa Tsinong may-ari ng tindahan. Pinaraan ng Intsik sa bunganga ng leon ang isang sobreng pula o ampaw. Laman nito ang salaping kaloob ng negosyante sa tropang nagtanghal. Pagkatanggap ng ampaw, lumisan na ang grupo at doon nagwakas ang palabas.


Mga batang lion dancer.
Kuha ni Ferdz Decena
Mula sa photos.ferzdecena.com
Sa buong maghapon, makailang ulit pa akong nakasaksi ng ganoong eksena. Dahil Chinese New Year, kaliwa’t kanan ang pagtatanghal ng lion dance. Pinaniniwalaang nagtataboy ito ng swerte at nag-iimbita ng kasaganaan. Ayon kay Lawrence Chan, ang tour guide ng aming grupo sa Binondo, kanya-kanyang kontrata ang mga grupo sa kung saan-saang tindahan sila magtatanghal. Pero aniya, dahil ang bagong taon ay panahon ng pagbubukas-palad, may mga negosyante din namang malugod na tumatanggap sa mga nagsasayaw nang ­on-the-spot. Kumbaga, may mga nagti-trick or treat o nangingilak sa malikhaing paraan. 

Bukod sa leon, kasalubungan din sa mga kalye ng Binondo ang makukulay at naghahabaang dragon. Sa tradisyon ng mga Tsino, dragon dance ang pinakatampok na pagtatanghal tuwing bagong taon. Ani Lawrence, pareho lamang naman ang sinasabing dulot ng leon at dragon. Subalit di tulad ng lion dance na naitatanghal ng dalawang katao, anim o higit pa ang kailangan para sa dragon dance. Mas ekslusibo rin sa bagong taon ang dragon dance kumpara sa lion dance na maaaring itanghal sa mga pribadong okasyong humihiling ng kasaganaan gaya ng kasal at pagbubukas ng negosyo. 

Dragon dance. Kuha ni Eunice Abique
Sinasabing tradisyong kultural ng mga Tsino ang ganitong pagtatanghal. Subalit kung papansining maigi, mga kayumaggi—hindi mestiso, hindi Intsik singkit—ang mga nagsisiganap dito. Mga binatilyong Pilipino ang nagsisibitbit ng mga dragon at pumapaloob sa mga leon at buwis-buhay na nagsisisayaw sa kalagitnaan ng nagrararatrat na paputok. At pagkayari ng palabas para sa ikabubwenas ng Tsino, tutumbasan ito ng ampaw laman ang kompensasyon sa gilas ng Pilipino.

Sa Kalye Ongpin, gitgitan ang mga kumpulan. Kanya-kanyang bilog ang madla sa mga nag-eekshibisyong tropa. Maya-maya, kanya-kanyang palitrato rin sila sa tabi ng leon, dragon, at pailan-ilang personalidad sa midya. “Bagong taon ba nino?” sa isip-isip ko. Menos ang leon at dragon at pagbating “Kung Hei Fat Choi!” ng mga baner ng pulitiko, walang duda, pista ito ng Pilipino. Mula sa mga nagtatanghal, nagtatambol, nanonood, nag-iisiyoso, at naglalako ng kung ano-ano, puno ng lahing kayumanggi ang kalye ng Binondo. Samantalang pinagpipistahan ng Pilipino ang bagong taon ng Tsino, ang mga Intsik naman ay nag-aantabay sa kani-kanilang negosyo.

Sangandaan ng sari-saring kabihasnan ang Binondo. Matutunghayan dito ang kalinangang Intsik, Pilipino, Inintsik na Pilipino, Pinilipinong Intsik, at iba pa. Bilang tampukan ng kalakang komersyal at kalarang kultural, ang Binondo ay mahalagang panulukan na ng kasaysayan ng bansa sa simula’t sapul pa man. 

Tinatayang ikasampung siglo pa lamang ay markado na sa mapa ng daigdig ang Binondo, Maynila. Nakalatag sa ibayo ng Ilog Pasig, palagian itong daungan ng mga dayuhang mangangalakal katulad ng mga Intsik at Arabo. Sa panahon ng mga Espanyol, nanatili itong sentro ng kalakalan na siyang sumustento sa kolonya.

Binondo noong huling bahagi ng 1800. Mapapansin ang riles ng tranvia,
isang pangunahing transportasyon noon. Larawan ni John T. Pilot.

Mula pa noon hanggang ngayon, nakahihigit ang imigranteng Tsino kumpara sa ano mang lahing dayo sa Pilipinas. Sa katunayan, maging mga Kastila ay nangamba sa pagdami ng mga Intsik ngunit hindi naman sila mapalayas dahil sa pakinabang sa ekonomiya. Nadagdagan pa ang deskompyansa sa mga Intsik nang sumalakay sa bansa at nagtangkang manakop ang isang piratang Tsino na si Lim-Ah-Hong noong 1573.

Bilang pag-agap sa posibleng pag-aalsa, pinanatili ng mga Kastila ang mga Tsino sa lugar na sapul ng mga kanyon sa Fort Santiago. Kasama ng ilang negosyanteng Malayo, Bumbay at Hapones, pinalagak ang lahing Intsik sa Parian, ngayon ay Lawton. Dahil partikular ang mga Kastila sa pagbubukod-bukod ng mga lahi, mga Tsinong di-Katoliko na lamang ang naiwan dito nang lumaon.

Itinatag ng mga Kastila noong 1594, ang Binondo ay inilaan ni Gobernador Heneral Luis Perez DasmariƱas para panirhan ng mga Katolikong Intsik. Tinuturing na pinakamatandang Chinatown sa buong mundo, dito namahay ang mga imigranteng Instik o Sangley na nagpabinyag sa simbahang Katoliko, nag-asawa ng mga Pilipina at nagkaanak. Mestizo de Sangley ang tawag sa mga supling ng Intsik at indio. Ngayon, Tsinoy ang ginagamit na pagtukoy sa mga nagbuhat sa magkahalong angkang Tsino-Pilipino.

Mga tao sa Kalye Ongpin noong Chinese New Year.
Kuha ni Ferdz Decena. Mula sa photos.ferzdecena.com
Sa pinakahuling census noong 2007, nasasaad na 12,100 ang populasyon ng Binondo. Wala namang tala kung ilang Pilipino, Tsino at Tsinoy ang naninirahan dito. Samantala, tinatayang dekada 60 nang magsimulang numipis ang populasyon ng mga Intsik sa Binondo. Naakit ang maraming Intsik sa mga bagong tatag na pook residensyal sa San Juan, Pasig, Mandaluyong at Quezon City, mga sub-urban na bahagi ng Kamaynilaan. Kung dati ay nasa Binondo ang nakararami sa lahing Tsino, laganap na sila ngayon sa buong rehiyon. Bagamat nanirahan sa ibang lungsod, nanatili naman sa Binondo ang kanilang mga negosyo.

Naghilera sa mga kalye ng Binondo ang mga negosyong may signboard na nagsusumigaw ng mga Tsinong titik at Ingles na pagsasalin. Palamuti ng Kalye Ongpin ang mga panaderya at kainang Intsik: tindahan ng tikoy, hopia, mamon, siopao, siomai, dumpling at mami. Matatagpuan din sa kalyeng ito ang mga tindahan ng alahas, hardware, DVD, fireworks, at traditional Chinese medicine— mga produktong pawang galing Tsina.

Tindahan ng lucky charms.
Kuha ni Ferz Decena. Mula sa photos.ferdzdecena.com
Bukod sa mga kainan, makikita naman sa Kalye Yuchengco ang mga bilihan ng insenso, kandila, at iba pang kagamitan sa pagsasagawa ng mga ritwal ng Tsino. Sa Kalye Carvajal, matutunghayan ang isang palengkeng Intsik: bilihan ng pinreserbang pagkain sa garapon, mga hilaw na sangkap galing Tsina at turo-turong pagkaing Tsino. May dinarayo rin ditong matandang botika ng traditional Chinese medicine na pinamamahalaan ng isang matandang Tsino na abacus pa rin ang gamit pantuos imbis na calculator. Ilan lamang ito sa mga kalakarang pinasisinayaan ng mga Intsik sa mga sanga-sangang kalye ng Binondo.

Mas marami sino sa Binondo: Intsik o Pilipino? Walang istatistikang naglalahad nito, subalit ano man ang numero, hindi na maikakaila ang tindi ng impluwensyang Tsino rito. Ang kasaganaan ng mga produktong Intsik na iniaalok ng Binondo sa mahabang panahon ay ano pa’t manipestasyon ng pagtatangkilik dito?

Chinese New Year nang araw na iyon. Gitgitan sa kalsada ang mga kayumangging nakikiusyoso sa tradisyon ng mga Tsino. Sa araw na ito, bidang-bida ang Binondo, ang pinakamatandang Chinatown sa mundo, tagpuan ng kulturang Intsik at Pilipino. #

Maliban sa Maya

Oktubre hanggang Marso, dumadagsa sa Pilipinas ang mga ibong dayo o migratory birds buhat sa Silangang Asya. Dahil taglamig na sa bansang tulad ng China, Japan at Siberia, nangingibayong dagat ang mga ibon sa panahong ito upang humanap ng akmang init at saganang pagkukunan ng pagkain. Isa sa mga pansamantalang panuluyan, pahingahan o tambayan ng mga naturang ibon ang baybayin ng lalawigan ng Bataan.

Unang beses kong sumabak sa birdwatching o birding. Sa patnubay ng mga miyembro ng Wild Bird Club of the Philippines (WBCP) na sila Jops, Maia, Jun at Clemence, inobserbahan naming magkakaklase sa kursong travel writing ang mga ibong dayo sa Balanga City Wetland and Nature Park. Nakalatag ang parke sa hangganan ng Manila Bay sa silangang bahagi ng Barangay Tortugas. Armado ng mga doble vista, minasid namin nitong Disyembre ang mga dayuhan sa Balanga.

Information Center ng Balanga City Wetland Park 

“Ayan, ayan, isang flock ng stilts!” sabik na pansin ni Maia sa unang kawan ng ibong nasaksihan ng grupo. “Sige nga, bilangin niyo,” hamon ni Jops sa amin. “Ninety ‘yan,” tantya ni Jun, sabay pihit sa pagkahabang lente at pitik sa kanyang kamera. “Walang ninety, sixty lang yata,” hirit ni Jops. “Nakunan ko naman [ng litrato], bilangin na lang natin."

Tanda ng isang masaganang kapaligiran ang pagsadya ng mga ibong dayo sa isang lugar. Bukod sa mga pangisdaan sa tabing-dalampasigan, sinasadya rin ng mga ibon ang mga bakawan ng Balanga. Sa mga bakawan nagkukubli ang pagkain nilang mga batang isda. Pinakamaraming mamamasid na ibong dayo kapag magbubukang-liwayway hanggang bago magtanghali. Lumilikas ang karamihan ng mga ibon oras na tumaas ang tubig o mag-high tide, at kapag masyado nang mainit pagsapit ng tanghaling tapat.

Dala palagi ni Maia itong libro upang makumpirma
ang pagkakakilanlan ng mga ibon.
Dahil hindi naman palaging may ibon, talagang tiyagaan ito para sa mga unang sabak. Ngunit oras na may dumaong, talagang maghahagilapan. May mga ibong sadyang mailap na umaalis din kaagad. Sa higit kumulang dalawang oras na pagmamasid mula alas-nuebe y medya, may sampung klase ng ibon ang nasaksihan sa pook. Ilan sa mga ito ang Little Egret o tagak, Kentish, Plover, Common Redshank, Common Greenshank, Common Kingfisher, Common Sandpiper, Black Wind Stilt, at Little Heron. Samakatuwid, hindi lamang maya ang ibon sa Pilipinas. Hindi lamang sila brown. May puti, may asul, may luntian.

Ito ang layunin ng birding: ang makatagpo ang mga ibon sa kanilang natural na tirahan. Kumbaga, nangangaso ang mga birders nang walang dugo.

Parte ng karanasan ang pagtagpo sa mga lifers. Tumutukoy ito sa mga kinatawan ng isang species na unang beses na nakita ng isang tao sa kanyang buhay. Habang tumatagal, mas mahirap nang makahanap ng kani-kanilang lifers ang mga matagal nang birders. “Kaya nga nakaka-hook,” ani Jops. Kwento niya, maraming birders mula sa mayayamang bansa ang talagang magsasadya sa ano mang parte ng mundo para lang makakita ng partikular na ibon. “Kapag nakita na nila, uuwi na rin sila,” dagdag niya.

Isa sa ilang kawan ng ibong namataan namin: black wind stilts.
Kuha ni Kim Pauig

Sa Pilipinas, may 600 species o uri ng residente at dayong ibon. Sa 600, halos isang katlo o 200 ang endemic o dito lamang matatagpuan. Kung tutuusin, may 200 rason ang mga birders upang dumayo rito sa bansa.

Taong 2008 nang kilalanin ng Department of Tourism (DOT) ang Balanga City bilang isa sa mga birdwatching sites sa Pilipinas. Ipinahayag ng noo’y kalihim ng DOT na si Ace Durano ang kaniyang kumpyansa sa birdwatching bilang panibagong tourist attraction sa bansa. Inilimbag din sa parehong taon ang unang tomo ng librong Birdwatching in the Philippines, isang kolaborasyon ng DOT, Recreational Outdoor Exchange, at WBCP, kung saan natatangi ang Balanga.

Nang sumunod na taon, ginanap sa Balanga ang ikalimang Philippine Bird Festival. Dahil sa mainit na pagtangkilik dito ng mga lokal at dayuhang turista, nagpasya ang pamahalaang lungsod na maglunsad ng lokal na bersyon nito. Kasabay ng pagpapasinaya sa pasilidad ng unang wetland park sa bansa, ginanap din ang unang Ibong Dayo Festival noong Disyembre 2010.

Pangunahing layunin ng Ibong Dayo Festival na imulat ang lokal na mamamayan tungkol sa kahalagahan ng mga ibong dayo sa kanilang lugar. Sa ikalawang taon nito noong Disyembre 5-7, ginanap ang mga parada, birdwatching, face painting, pagtatanim ng bakawan at mga seminar na pinangasiwaan ng WBCP at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Aminado ang lokal na pamahalaan na isang “work in progress” ang pagsasaayos ng parke. Sa ngayon, ang mga istruktura pa lamang sa parke ay isang hugis hexagon na tourist information center, dalawang viewing deck, isang hilera ng cottage, at mga saradong souvenir shop na ginawang pansamantalang lagakan ng mga seedling ng bakawan.

Mga viewing deck
Ang pangisdaang matatanaw mula sa viewing deck

Bagamat bukas ano mang oras, mainam na makisali sa mga guided trip na pinangangasiwaan ng mga samahan tulad ng WBCP. Ilan sa mga limitasyon ng parke ang kawalan ng mga equipment upang mas ma-appreciate ang birding. Kung tutuusin, maaari namang mag-birding nang gamit lamang ang mata o walang aparato. Subalit mas malulubos ang aktibidad kung makikita ang mga ibon nang malapitan sa pamamagitan ng doble vista at viewing scopes. Sa ganitong paraan, mas nagiging interesante ang pagmamasid ng ibon sa pagpansin sa mga detalye nito, mula sa kulay ng pakpak hanggang behavior nito. Nagkahalaga lamang ng P1,400 ang guided trip para sa aming grupo ng sampu, kasama na rito ang upa sa mga doble vistang pagmamay-ari ng WBCP.

Para kila Jops, Maia, Jun, at Clemence, hindi lamang paglilibang o basta hilig ang birding. Sa mga guided trip katulad nito, armado sila palagi ng bird guide: maingat nilang inoobserbahan ang mga ibon at tinutukoy kung anong klase ito.

Bukod sa Wetland Park, dinala rin kami ng WBCP sa
isa pang birding site sa kalapit na palayan at palaisdaan.
Paliwanag ni Jops, maigi nilang itinala ang mga naoobserbahang ibon sa isang site. Ang mga datos katulad ng uri at dami ng ibon na nakita sa ganitong lugar ay ipinapaalam ng WBCP sa DENR. Sa mga bansang dinadaanan ng mga ibong dayo, dito lamang sa Pilipinas mayroong butas pagdating sa istatistika at wastong pagtukoy sa eksaktong ruta nilang tinatahak. Kung magkakaroon ng wastong edukasyon ang mamamayan tungkol sa mga ibong dayo, mas mapapadali ang pagtukoy sa birding sites hindi lamang upang mapakilala sa mga turista ngunit para mapreserba ang lugar higit sa ano pa man.

Kilala ang Bataan sa pagiging makasaysayan nito. Isa ito sa mga lalawigang unang lumaban sa mga Kastila. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, isa ito sa mga probinsyang huling sumuko sa hukbong Hapones. Palibhasa’y tabing dagat, tumbukan ito ng mga nangangahas mula sa ibayong dagat. Sa ngayon, muling nakikilala ang Bataan dahil sa mga dayuhan. Ngunit sa pagkakataong ito, ang mga dayuhan ay para ikanlong at hindi labanan. #