Miyerkules, Marso 28, 2012

Sa Kaibuturan ng Sentro

Maaari kong marating ang kabilang dulo ng overpass na iyon nang hindi umaapak sa sahig. Ang kailangan ko lang gawin ay isuko ang aking katawang-lupa sa mga tao sa aking paligid at makialon sa kanilang sanib-pwersang lakas nang maipilit ang pare-parehong pag-usad namin. 

Sapat lamang sa nipis o kapal ng katawan ng tao ang espasyong para sa kanya. Sardinas kami at ang overpass ang lata. Lagpas kalahating oras naming tinahak ang tulay na tinawid lamang namin nang wala pang limang minuto nung nakaraang araw. Nasa dalawang metro ang lapad nito sa aking tantya pero pinakipot ito nang sampung beses ng daan-daang tao kinabukasan.

Hindi ito MRT.
Hindi ko dinayo ang Baguio para sa isang simulation ng rush hour sa MRT. Matagal kong hinangad na makarating sa Baguio pero Maynila rin pala ang tatambad sa akin.

Malamang-lamang na katulad ko at ng walo ko pang kasamahan, dinayo rin nitong sangkatauhan ang Panagbenga Festival. Habang trapik sa overpass papuntang Burnham Park, may alok namang aliwan ang kalsada: isang parada ng musiko at mga karosang gawa sa makukulay at naggagandahang bulaklak. Pakunswelo na sa aming panlilimahid ang masilayan itong sinadya namin subalit hindi kami hahayaan ng mga ulong nagsala-salabit. Una sa lahat, ginawa kasing viewing deck ng mga manunuod ang overpass kaya nagsikip. Kapag nga nasasagi ng mga naggigitgitang tumatawid, bubulyaw pa sila na huwag daw manulak at maniksik. Konting pasensya, konting tiyaga, nakaraos din kami.

Maynilang-Maynila. Maynila sa dami ng tao. Maynila sa trapik. Maynila na rin sa init. Isa itong Maynila kung saan ang kasalubong mo sa kalsada ay may karapatang magbalabal, mag-boots, mag-bonnet at magpangginaw dahil kahit pa hindi naman kalamigan, Baguio iyon at doon, lehitimo ang ganoong kasuotan. Isa itong Maynila na tadtad ng daanang palusong, paahon at pakurbada. Isa itong Maynila kung saan nakabukas ang bintana ng mga taxi at hindi aircon ang SM. Isa itong Maynila na di kasing alinsangan sapagkat sinosorpresa ng dagling malamig na simoy sa kabila ng polusyon at tirik na araw.




Tuwing Pebrero hanggang unang linggo ng Marso ginaganap ang Panagbenga Festival mula pa noong 1995. Nangangahulugang “panahon ng pamumukadkad,” unang ginanap ang Panagbenga bilang pagtatangi sa flower industry ng Baguio City at bilang pagbangon din mula sa mapanirang lindol na tumama sa lungsod noong 1990. Taon-taon mula noon, idinaraos ang Panagbenga upang ipamalas ang kultura ng Cordillera sa pamamagitan ng mga eksihibisyon, product expo, parada at iba pa.

Pinakatampok sa selebrasyon ang street dancing at float parade sa huling Sabado’t Linggo ng Pebrero. Kabilang ang aming grupo sa tinatayang higit kalahating milyong bisitang umakyat sa Baguio para matunghayan ito. Higit doble ito ng populasyon ng Baguio na umaabot lamang sa 300,000. Kung may mga “little Baguio” sa kapatagan, ang norte naman ay may “little Manila.” Isa sa 33 highly urbanized cities ng bansa, ang Baguio ang sentro ng negosyo, komersyo at edukasyon sa Cordillera at Hilagang Luzon.

“Isang milyon daw ang aakyat dito, triple namin ‘yun. Buti sana kung kakayanin ng Baguio,” himutok ng mamang drayber ng nasakyan naming taxi. Nabanggit niya ito nang pansinin namin ang sikip ng trapiko at dami ng tao. Layunin ng Panagbenga ang ipakilala sa bagong henerasyon ang katutubong kultura ng Cordillera at syempre, ang isulong ang turismo.

Katulad ng sinabi ng mamang drayber, isang milyong turista nga ang puntiryang mapadayo ng pamahalaang lungsod sa limang linggong selebrasyon ng Panagbenga. Siksikang kalsada, agawan sa taxi, punuang jeepney, pila sa kainan, hanay sa terminal, ubusan ng matutuluyan―mukhang matagumpay nga ang pamahalaang lokal sa pag-engganyo ng bisita.


Tumpok ng tao sa may Session Road.
Isang abalang Baguio ang aking dinatnan. Masaya, makulay, maingay—ang moda ng lungsod ay pistang-pista. Pero hinahanap-hanap ko ang Baguio na aking ipinunta: marikit, payak, at payapa. Iyon ang Baguio na inilarawan ng mga aklat ko noong elementarya, ‘yon bang may kabanatang “Magagandang Tanawin sa Pilipinas.” Ito rin ang Baguio na ibinida sa akin ng aking kapatid: lugar daw na tahimik at tamang-tama sa kanilang high school retreat. Sumagi rin naman sa aking isip na may dahilan kung bakit “city” ang Baguio City, subalit hindi ko inasahang Maynila rin ito pero di kasing alinsangan at di rin kataasan ang gusali. 

Daan papunta sa tinuluyan naming bahay
sa Scout Barrio.
Isang taxi mula sa sentro, unti-unti kong nasilayan ang aking Baguio: maaliwalas, tahimik, maamo. Ihinatid kami ng nagtataasang puno ng pino sa isang paupahang kwarto sa Scout Barrio. Sa tagiliran ng Camp John Hay naroroon ang tahanan ng mga Dingle. Kasabay naming tumuloy sa kanilang bahay ang dalawa pang pamilyang mula pa sa Iloilo at Bulacan. 

Madaling makapaglagayan ng loob ang Scout Barrio. Sa Maynila, maipaparis ito sa isang pribadong bahayan pero simple nga lamang ang mga tahanan. Tabing kalsada pero katamtaman lamang ang dumadaang sasakyan kaya tahimik. Nasa mataas na bahagi ng barangay ang aming tinuluyan kaya sa pagbaba, natutunghayan ang kalakhan ng komunidad at maging ang kabundukan sa kabilang ibayo. Kapansin-pansin din ang katahimakan ng makakapitbahayan na nagdaragdag pa sa kapayakan ng lugar at natatangi nitong salat. Ibang-iba ito sa ingay sa bahaging urban na aligagang-aligaga at di magkamayaw sa hindi alam, kaparis ng iba pang sentro ng lungsod saan man. Kung tutuusin, wala namang pasyalan sa Scout Barrio, pero ang makupkop rito ay karanasang walang kaparis: Baguiong-Baguio.

Nakamamangha ang mga bulaklak sa Panagbenga subalit ang Baguio na payapa ay may kaibuturang hiwaga. Babalik ako rito minsan, sa isang ordinaryong araw, at kikilalanin ko ang isang Baguio na simple, mahinahon, at pambihira. #

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento