Unang beses kong sumabak sa birdwatching o birding. Sa patnubay ng mga miyembro ng Wild Bird Club of the Philippines (WBCP) na sila Jops, Maia, Jun at Clemence, inobserbahan naming magkakaklase sa kursong travel writing ang mga ibong dayo sa Balanga City Wetland and Nature Park. Nakalatag ang parke sa hangganan ng Manila Bay sa silangang bahagi ng Barangay Tortugas. Armado ng mga doble vista, minasid namin nitong Disyembre ang mga dayuhan sa Balanga.
Information Center ng Balanga City Wetland Park |
Tanda ng isang masaganang kapaligiran ang pagsadya ng mga ibong dayo sa isang lugar. Bukod sa mga pangisdaan sa tabing-dalampasigan, sinasadya rin ng mga ibon ang mga bakawan ng Balanga. Sa mga bakawan nagkukubli ang pagkain nilang mga batang isda. Pinakamaraming mamamasid na ibong dayo kapag magbubukang-liwayway hanggang bago magtanghali. Lumilikas ang karamihan ng mga ibon oras na tumaas ang tubig o mag-high tide, at kapag masyado nang mainit pagsapit ng tanghaling tapat.
Dala palagi ni Maia itong libro upang makumpirma ang pagkakakilanlan ng mga ibon. |
Ito ang layunin ng birding: ang makatagpo ang mga ibon sa kanilang natural na tirahan. Kumbaga, nangangaso ang mga birders nang walang dugo.
Parte ng karanasan ang pagtagpo sa mga lifers. Tumutukoy ito sa mga kinatawan ng isang species na unang beses na nakita ng isang tao sa kanyang buhay. Habang tumatagal, mas mahirap nang makahanap ng kani-kanilang lifers ang mga matagal nang birders. “Kaya nga nakaka-hook,” ani Jops. Kwento niya, maraming birders mula sa mayayamang bansa ang talagang magsasadya sa ano mang parte ng mundo para lang makakita ng partikular na ibon. “Kapag nakita na nila, uuwi na rin sila,” dagdag niya.
Isa sa ilang kawan ng ibong namataan namin: black wind stilts. Kuha ni Kim Pauig |
Taong 2008 nang kilalanin ng Department of Tourism (DOT) ang Balanga City bilang isa sa mga birdwatching sites sa Pilipinas. Ipinahayag ng noo’y kalihim ng DOT na si Ace Durano ang kaniyang kumpyansa sa birdwatching bilang panibagong tourist attraction sa bansa. Inilimbag din sa parehong taon ang unang tomo ng librong Birdwatching in the Philippines, isang kolaborasyon ng DOT, Recreational Outdoor Exchange, at WBCP, kung saan natatangi ang Balanga.
Nang sumunod na taon, ginanap sa Balanga ang ikalimang Philippine Bird Festival. Dahil sa mainit na pagtangkilik dito ng mga lokal at dayuhang turista, nagpasya ang pamahalaang lungsod na maglunsad ng lokal na bersyon nito. Kasabay ng pagpapasinaya sa pasilidad ng unang wetland park sa bansa, ginanap din ang unang Ibong Dayo Festival noong Disyembre 2010.
Pangunahing layunin ng Ibong Dayo Festival na imulat ang lokal na mamamayan tungkol sa kahalagahan ng mga ibong dayo sa kanilang lugar. Sa ikalawang taon nito noong Disyembre 5-7, ginanap ang mga parada, birdwatching, face painting, pagtatanim ng bakawan at mga seminar na pinangasiwaan ng WBCP at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Aminado ang lokal na pamahalaan na isang “work in progress” ang pagsasaayos ng parke. Sa ngayon, ang mga istruktura pa lamang sa parke ay isang hugis hexagon na tourist information center, dalawang viewing deck, isang hilera ng cottage, at mga saradong souvenir shop na ginawang pansamantalang lagakan ng mga seedling ng bakawan.
Mga viewing deck |
Ang pangisdaang matatanaw mula sa viewing deck |
Bagamat bukas ano mang oras, mainam na makisali sa mga guided trip na pinangangasiwaan ng mga samahan tulad ng WBCP. Ilan sa mga limitasyon ng parke ang kawalan ng mga equipment upang mas ma-appreciate ang birding. Kung tutuusin, maaari namang mag-birding nang gamit lamang ang mata o walang aparato. Subalit mas malulubos ang aktibidad kung makikita ang mga ibon nang malapitan sa pamamagitan ng doble vista at viewing scopes. Sa ganitong paraan, mas nagiging interesante ang pagmamasid ng ibon sa pagpansin sa mga detalye nito, mula sa kulay ng pakpak hanggang behavior nito. Nagkahalaga lamang ng P1,400 ang guided trip para sa aming grupo ng sampu, kasama na rito ang upa sa mga doble vistang pagmamay-ari ng WBCP.
Para kila Jops, Maia, Jun, at Clemence, hindi lamang paglilibang o basta hilig ang birding. Sa mga guided trip katulad nito, armado sila palagi ng bird guide: maingat nilang inoobserbahan ang mga ibon at tinutukoy kung anong klase ito.
Bukod sa Wetland Park, dinala rin kami ng WBCP sa isa pang birding site sa kalapit na palayan at palaisdaan. |
Kilala ang Bataan sa pagiging makasaysayan nito. Isa ito sa mga lalawigang unang lumaban sa mga Kastila. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, isa ito sa mga probinsyang huling sumuko sa hukbong Hapones. Palibhasa’y tabing dagat, tumbukan ito ng mga nangangahas mula sa ibayong dagat. Sa ngayon, muling nakikilala ang Bataan dahil sa mga dayuhan. Ngunit sa pagkakataong ito, ang mga dayuhan ay para ikanlong at hindi labanan. #
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento