Miyerkules, Marso 28, 2012

Usiyoso sa Binondo

Nagkakadkad ang isang mama ng mahabang rolyo ng paputok sa bangketang katapat ng pinapasukan niyang tindahan. Sa bandang gilid, nakaantabay ang isang “leon” na ginagampanan ng dalawang kayumangging binatilyong may edad 14. Maya-maya, isang putok ang naghudyat ng pagbira sa tambol, pagkalampag ng pompyang, at pagtanghal ng lion dance.

Ratatatatatatat—

At humataw nga ang dalawang bata sa sampung metrong huramentadong Sinturon ni Hudas.

Nang matapos ang ratatat, lumapit ang leon sa Tsinong may-ari ng tindahan. Pinaraan ng Intsik sa bunganga ng leon ang isang sobreng pula o ampaw. Laman nito ang salaping kaloob ng negosyante sa tropang nagtanghal. Pagkatanggap ng ampaw, lumisan na ang grupo at doon nagwakas ang palabas.


Mga batang lion dancer.
Kuha ni Ferdz Decena
Mula sa photos.ferzdecena.com
Sa buong maghapon, makailang ulit pa akong nakasaksi ng ganoong eksena. Dahil Chinese New Year, kaliwa’t kanan ang pagtatanghal ng lion dance. Pinaniniwalaang nagtataboy ito ng swerte at nag-iimbita ng kasaganaan. Ayon kay Lawrence Chan, ang tour guide ng aming grupo sa Binondo, kanya-kanyang kontrata ang mga grupo sa kung saan-saang tindahan sila magtatanghal. Pero aniya, dahil ang bagong taon ay panahon ng pagbubukas-palad, may mga negosyante din namang malugod na tumatanggap sa mga nagsasayaw nang ­on-the-spot. Kumbaga, may mga nagti-trick or treat o nangingilak sa malikhaing paraan. 

Bukod sa leon, kasalubungan din sa mga kalye ng Binondo ang makukulay at naghahabaang dragon. Sa tradisyon ng mga Tsino, dragon dance ang pinakatampok na pagtatanghal tuwing bagong taon. Ani Lawrence, pareho lamang naman ang sinasabing dulot ng leon at dragon. Subalit di tulad ng lion dance na naitatanghal ng dalawang katao, anim o higit pa ang kailangan para sa dragon dance. Mas ekslusibo rin sa bagong taon ang dragon dance kumpara sa lion dance na maaaring itanghal sa mga pribadong okasyong humihiling ng kasaganaan gaya ng kasal at pagbubukas ng negosyo. 

Dragon dance. Kuha ni Eunice Abique
Sinasabing tradisyong kultural ng mga Tsino ang ganitong pagtatanghal. Subalit kung papansining maigi, mga kayumaggi—hindi mestiso, hindi Intsik singkit—ang mga nagsisiganap dito. Mga binatilyong Pilipino ang nagsisibitbit ng mga dragon at pumapaloob sa mga leon at buwis-buhay na nagsisisayaw sa kalagitnaan ng nagrararatrat na paputok. At pagkayari ng palabas para sa ikabubwenas ng Tsino, tutumbasan ito ng ampaw laman ang kompensasyon sa gilas ng Pilipino.

Sa Kalye Ongpin, gitgitan ang mga kumpulan. Kanya-kanyang bilog ang madla sa mga nag-eekshibisyong tropa. Maya-maya, kanya-kanyang palitrato rin sila sa tabi ng leon, dragon, at pailan-ilang personalidad sa midya. “Bagong taon ba nino?” sa isip-isip ko. Menos ang leon at dragon at pagbating “Kung Hei Fat Choi!” ng mga baner ng pulitiko, walang duda, pista ito ng Pilipino. Mula sa mga nagtatanghal, nagtatambol, nanonood, nag-iisiyoso, at naglalako ng kung ano-ano, puno ng lahing kayumanggi ang kalye ng Binondo. Samantalang pinagpipistahan ng Pilipino ang bagong taon ng Tsino, ang mga Intsik naman ay nag-aantabay sa kani-kanilang negosyo.

Sangandaan ng sari-saring kabihasnan ang Binondo. Matutunghayan dito ang kalinangang Intsik, Pilipino, Inintsik na Pilipino, Pinilipinong Intsik, at iba pa. Bilang tampukan ng kalakang komersyal at kalarang kultural, ang Binondo ay mahalagang panulukan na ng kasaysayan ng bansa sa simula’t sapul pa man. 

Tinatayang ikasampung siglo pa lamang ay markado na sa mapa ng daigdig ang Binondo, Maynila. Nakalatag sa ibayo ng Ilog Pasig, palagian itong daungan ng mga dayuhang mangangalakal katulad ng mga Intsik at Arabo. Sa panahon ng mga Espanyol, nanatili itong sentro ng kalakalan na siyang sumustento sa kolonya.

Binondo noong huling bahagi ng 1800. Mapapansin ang riles ng tranvia,
isang pangunahing transportasyon noon. Larawan ni John T. Pilot.

Mula pa noon hanggang ngayon, nakahihigit ang imigranteng Tsino kumpara sa ano mang lahing dayo sa Pilipinas. Sa katunayan, maging mga Kastila ay nangamba sa pagdami ng mga Intsik ngunit hindi naman sila mapalayas dahil sa pakinabang sa ekonomiya. Nadagdagan pa ang deskompyansa sa mga Intsik nang sumalakay sa bansa at nagtangkang manakop ang isang piratang Tsino na si Lim-Ah-Hong noong 1573.

Bilang pag-agap sa posibleng pag-aalsa, pinanatili ng mga Kastila ang mga Tsino sa lugar na sapul ng mga kanyon sa Fort Santiago. Kasama ng ilang negosyanteng Malayo, Bumbay at Hapones, pinalagak ang lahing Intsik sa Parian, ngayon ay Lawton. Dahil partikular ang mga Kastila sa pagbubukod-bukod ng mga lahi, mga Tsinong di-Katoliko na lamang ang naiwan dito nang lumaon.

Itinatag ng mga Kastila noong 1594, ang Binondo ay inilaan ni Gobernador Heneral Luis Perez DasmariƱas para panirhan ng mga Katolikong Intsik. Tinuturing na pinakamatandang Chinatown sa buong mundo, dito namahay ang mga imigranteng Instik o Sangley na nagpabinyag sa simbahang Katoliko, nag-asawa ng mga Pilipina at nagkaanak. Mestizo de Sangley ang tawag sa mga supling ng Intsik at indio. Ngayon, Tsinoy ang ginagamit na pagtukoy sa mga nagbuhat sa magkahalong angkang Tsino-Pilipino.

Mga tao sa Kalye Ongpin noong Chinese New Year.
Kuha ni Ferdz Decena. Mula sa photos.ferzdecena.com
Sa pinakahuling census noong 2007, nasasaad na 12,100 ang populasyon ng Binondo. Wala namang tala kung ilang Pilipino, Tsino at Tsinoy ang naninirahan dito. Samantala, tinatayang dekada 60 nang magsimulang numipis ang populasyon ng mga Intsik sa Binondo. Naakit ang maraming Intsik sa mga bagong tatag na pook residensyal sa San Juan, Pasig, Mandaluyong at Quezon City, mga sub-urban na bahagi ng Kamaynilaan. Kung dati ay nasa Binondo ang nakararami sa lahing Tsino, laganap na sila ngayon sa buong rehiyon. Bagamat nanirahan sa ibang lungsod, nanatili naman sa Binondo ang kanilang mga negosyo.

Naghilera sa mga kalye ng Binondo ang mga negosyong may signboard na nagsusumigaw ng mga Tsinong titik at Ingles na pagsasalin. Palamuti ng Kalye Ongpin ang mga panaderya at kainang Intsik: tindahan ng tikoy, hopia, mamon, siopao, siomai, dumpling at mami. Matatagpuan din sa kalyeng ito ang mga tindahan ng alahas, hardware, DVD, fireworks, at traditional Chinese medicine— mga produktong pawang galing Tsina.

Tindahan ng lucky charms.
Kuha ni Ferz Decena. Mula sa photos.ferdzdecena.com
Bukod sa mga kainan, makikita naman sa Kalye Yuchengco ang mga bilihan ng insenso, kandila, at iba pang kagamitan sa pagsasagawa ng mga ritwal ng Tsino. Sa Kalye Carvajal, matutunghayan ang isang palengkeng Intsik: bilihan ng pinreserbang pagkain sa garapon, mga hilaw na sangkap galing Tsina at turo-turong pagkaing Tsino. May dinarayo rin ditong matandang botika ng traditional Chinese medicine na pinamamahalaan ng isang matandang Tsino na abacus pa rin ang gamit pantuos imbis na calculator. Ilan lamang ito sa mga kalakarang pinasisinayaan ng mga Intsik sa mga sanga-sangang kalye ng Binondo.

Mas marami sino sa Binondo: Intsik o Pilipino? Walang istatistikang naglalahad nito, subalit ano man ang numero, hindi na maikakaila ang tindi ng impluwensyang Tsino rito. Ang kasaganaan ng mga produktong Intsik na iniaalok ng Binondo sa mahabang panahon ay ano pa’t manipestasyon ng pagtatangkilik dito?

Chinese New Year nang araw na iyon. Gitgitan sa kalsada ang mga kayumangging nakikiusyoso sa tradisyon ng mga Tsino. Sa araw na ito, bidang-bida ang Binondo, ang pinakamatandang Chinatown sa mundo, tagpuan ng kulturang Intsik at Pilipino. #

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento